HUWAG IPAGBILI ANG IYONG BOTO

Noong nakaraang Miyerkules ay inilunsad ng Kaya Natin! kasama ang Ateneo School of Go­vernment, Transparency and Accountability Network (TAN) at ng Commission on Elections (CO­MELEC) ang isang proyektong may pamagat na Make It Count! Layunin ng proyektong ito na tumulong sa pagsugpo ng vote-buying o ang pambibili ng boto ng mga kandidato.

Ang nakakalungkot kasi ay kahit na alam naman nating lahat na ipinagbabawal ang pambibili at pagbebenta ng ating boto ay patuloy pa rin na nangyayari ito sa panahon ng halalan. Sa ginawan­g programa, nanumpa ang ilang mga kandidato sa pamumuno nina Among Ed Panlilio, Cong. Bolet Banal at dating Mayor Sonia Lorenzo na hindi sila kailanman mamimili ng boto. Pagkatapos ng panunumpa ng mga kandidato, nanumpa rin ang mga ordinar­yong mga mamamayan sa pamumuno ng ating mga kabataan na sila rin ay lalaban sa katiwalian at hindi nila kailanman ipagbibili ang kanilang boto.

Malaking salot sa ating lipunan ang pamimili ng boto dahil ito ang  nagi­ging sanhi ng malawakang korapsyon na nangyayari sa ating bansa.

Halimbawa na rito na kung ang isang kakandidato sa pagka-mayor ay gumastos ng P10 milyon para sa kampanya at para bumili ng boto, siguradong susubukan niyang bawiin ang halagang ito kapag siya ay nanalo. Kumbaga, parang nagiging negosyo na ang pulitika at gobyerno sa ating bansa dahil namumuhunan ang mga kandidato ng malalaking halaga tuwing eleksyon dahil alam naman nila na mababawi nila kaagad ito kapag sila ay nailuklok na sa puwesto.

Ang talo sa ganitong sitwasyon ay ang mga ordinaryong mamamayan na sa halip na mapunta sa tamang serbisyo ang pondo ng ating bayan ay napupunta na lamang ito sa bulsa ng iilan. Kaya ang aming payo sa mga nagbabasa ng Abante ay bago ninyo tanggapin ang bayad para sa inyong boto, isipin niyo na lamang na ang kapalit nito at tatlong taon na palpak ang serbisyo. Kung makakahalal tayo ng mga pinuno na tapat at magagaling, magi­ging maa­yos din ang pwede nating maaasahang serbisyo mula sa kanila.

Magiging malaking hamon din ito sa COMELEC dahil nangyayari ang pamimili ng boto dahil wala namang napaparusahan dahil dito. Ika nga dapat siguro ay may masampolan ang COMELEC na ilang mga kandidato na mahuhuling bumibili ng boto. Kapag nakita kasi ng mga kandidato na seryoso ang COMELEC sa kanilang kampanya laban dito ay siguradong matatakot na ang mga ito at magdadalawang isip na bago pa man isakatuparan ang kanilang masamang balak.

Hamon din ito sa ating mga mamamayan dahil kung gusto talaga natin ng isang mabuti at tapat na gobyerno, dapat manguna tayo sa paglaban dito sa mga illegal na gawain tuwing halalan. Huwag na­ting iboto ang mga kandidato na sa kampanya pa lamang ay hindi na sumusunod sa batas.

Kung ngayon pa lamang ay hindi na nga sila sumusunod, eh ‘di si­gurado na tayong ganu’n din ang kanilang gagawin kapag sila ang nahalal na sa puwesto.

Source: http://www.abante.com.ph/opinion/index.php/kaya-natin-hk/630-huwag-ipagbili-ang-iyong-boto

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s